Umaasa ang National Public Transport Coalition na matatalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang patuloy na mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni National Public Transport Coalition President Ariel Lim na inaasahan nilang ilalahad ng Pangulo ang mga konkretong plano ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga tsuper, operator, at iba pang sektor na apektado nito.
Hiniling din ng grupo na mabigyang-pansin ang usapin ng Oil Deregulation Law at ang mga posibleng reporma upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon pa sa grupo, kakaunti lamang ang natalakay sa nakaraang SONA ng Pangulo hinggil sa pagsasaayos ng sektor ng pampublikong transportasyon kaya umaasa silang mas mabibigyan ito ng pansin ngayong taon.
Kinikilala rin ng National Public Transport Coalition ang mga hakbang ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng mga batas laban sa mga lumalabag sa regulasyon.
Gayunman, iginiit ng grupo na kinakailangan pa rin ng malinaw na direktiba mula sa Pangulo upang mapalakas ang kampanya laban sa katiwalian sa sektor ng pampublikong transportasyon na umano’y patuloy na nagpapahirap sa mga motorista at transport operators.










