Ikinatuwa ng National Public Transport Coalition ang pagpapatupad ng karagdagang P1 sa minimum fare ng mga pampublikong sasakyan, bagama’t aminado ang grupo na hindi pa rin ito sapat upang lubusang matugunan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Ariel Lim, presidente ng National Public Transport Coalition, malaking tulong na para sa mga driver at operator ang karagdagang P1, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina.
Sinabi ni Lim na personal siyang dumalo sa mga pag-uusap sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng fare adjustment at nakuha niya ang kopya ng kautusang nilagdaan ng mga opisyal ng kagawaran.
Aniya, nauunawaan ng maraming commuter ang sitwasyon ng mga driver at operator dahil batid din ng publiko ang mataas na presyo ng langis sa merkado.
Sinabi rin niyang may ilang pasahero pa ngang kusang nagbibigay ng dagdag na halaga sa pamasahe kapag nakikita nilang nahihirapan ang mga driver dahil sa mataas na fuel prices.
Samantala, ipinaliwanag ni Lim na may ilang jeepney driver na hindi agad nakapagpatupad ng bagong pamasahe dahil hindi pa nila hawak ang updated fare matrix.
Ayon sa kanya, maaaring makuha ang fare matrix mula sa website ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ipa-Xerox upang maipakita sa mga pampublikong sasakyan.
Bagama’t, may ilang driver na walang access sa social media o internet kaya hindi agad nalaman ang bagong fare adjustment.
Iginiit naman niyang inaasahang mas magiging maayos ang pagpapatupad nito kapag mas marami nang driver ang nabigyan ng sapat na impormasyon tungkol sa bagong pamasahe.










