Tiniyak ng Malacañang sa publiko na magiging transparent at maayos ang paggamit ng pondo ng pamahalaan para sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro na na mahigpit ng bilin ni pangulong Ferdinand Bong Bong Marcos Jr. na walang iregularidad sa pagpapalabas ng pondo at paggamit nito sa nasabing event.
Babantayan aniya ng gobyerno ang paggastos upang masigurong mapupunta lamang ang pondo sa mga kinakailangang paghahanda tulad ng seguridad, pasilidad, transportasyon, at mga aktibidad na kaugnay ng nasabing internasyonal na pagtitipon.
Binigyang-diin din ng Malacañang na may sapat na audit at monitoring mechanisms na ipinatutupad upang maiwasan ang anumang iregularidad o maling paggamit ng pondo.
Ito ay bahagi ng paninindigan ng administrasyon na isulong ang good governance at accountability.
Dagdag pa ng Palasyo, ang pagho-host ng ASEAN Summit ay isang mahalagang pagkakataon upang maipakita ng Pilipinas ang kakayahan nitong magdaos ng malalaking pandaigdigang kaganapan at mapalakas ang ugnayan nito sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya.










