DAGUPAN CITY- Nakatakdang magpatupad ng Traffic Re-routing plan sa araw ng undas ang public order and safety office (POSO) ng Mangaldan para sa ilang mga kakalsadahan sa bayan.
Ayon kay Gerardo De Guzman Ydia, Hepe ng POSO, Mangaldan, ang pagpapatupad nito ay upang maibsan ang maaaring maranasang mabigat na trapiko dahil sa mga bibisita sa pribado at pampublikong sementeryo sa undas.
Aniya, magkakalapit lamang ang limang sementeryo sa kanilang lugar kaya hindi naman sila mahihirapan sa pagpapalano ng mga maaring madaanan ng mga tao at motorista.
Kaugnay nito, tanging Jimenez Street lamang ang kanilang pansamantalang isasara upang mas mabigyan pansin nila ang mga tao na maglalakad sa kakalasadahan na bahagi ng Brgy. Guilig papuntng sementeryo.
Habang 2-way entry naman ang kalsada sa bahagi ng P. De Guzman Street at 1-way entry naman sa may bahagi ng centro.
Magiging exit point naman ng lahat ng sasakyan ang Malabago Street papunta sa Lanas Street.
Samantala, Magsisilbing parking area naman ang Mangaldan National High school, sa harapan ng simbahan at maging sa mangaldan central school para sa mga motorista na magtutungo sa public cemetery. Habang iba rin ang magiging parking para sa mga magtutungo sa private cemetery.