Tuloy na tuloy na ang plano ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na maghain ng petisyon para sa wage increase o umento sa sahod ng mga mangagawa sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty Raymond Mendoza, Presidente ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP, sinabi nito na kailangan nang dagdagan ang minimum wage ng mga manggagawang Pilipino lalo na at unti-unti nang tumataas ang mga bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Mendoza na huling tumaas ang sahod ay noon pang Enero 2019. Dahil sa pandemya ay hindi sila naghain ng petition pero ngayon ay ramdam ang pataas ng pataas na presyo ng mga bilihin.

--Ads--

Nag uusap pa umano sila ngayon ukol sa naturang usapin para malaman kung aling mga rehiyon sa bansa ang dapat makasali sa ihahain nilang petisyon ukol sa wage increase.

Pinag a-aralan din nila ng husto kung magkano ang hihilingin nilang dagdag sa minimum wage at inaaasahan na maghahain sila ng petisyon sa susunod na linggo.

Dagdag ni Mendoza, na kailangan ang political will ng mga nasa puwesto. Panahon na anya para gumalaw ang regional wage board para taasan ang sahod ng mga manggagawa.

Bukod sa pagtaas ng sahod, kailangan din umanong magkaloob ang pamahalaan ng subsidy sa mga minimum wage earners.