Dagupan City – ‎Naaresto ng mga operatiba ng Dagupan City Police Station ang ikalawang most wanted person sa lungsod matapos ang halos tatlong taong pagtatago. Isinagawa ang operasyon sa Barangay Bonuan Gueset sa pamumuno ni PCPT Shayne G. Daciego, SDO, sa ilalim ng liderato ni PLTCOL Brendon B. Palisoc, hepe ng pulisya.

Ang suspek na kilala sa alyas na “James” at residente ng naturang barangay ay inaresto batay sa warrant of arrest na inilabas noong Enero 31, 2023. Siya ay nahaharap sa mga kasong Rape, Statutory Rape, at dalawang bilang ng Rape Through Sexual Assault. Walang inirekomendang piyansa para sa mga nasabing kaso.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso. Ayon sa mga awtoridad, ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng masigasig na kampanya ng pulisya laban sa mga krimeng may kinalaman sa karahasan sa kababaihan at kabataan.