Dagupan City – Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Tindig Pilipinas at ng Buhay ang People Power Campaign Network (BAPP) para sa nalalapit na “Trillion Peso March” na nakatakda sa Disyembre 25.
Ayon kay Kiko Aquino Dee, convenor ng BAPP at Tindig Pilipinas, tuloy-tuloy ang kanilang pakikipagpulong sa mga safety officers upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga dadalo sa naturang pagtitipon.
Sinabi rin ni Dee na nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa 86 na mga diyosesis na inaasahang makikibahagi sa kilos-protesta.
Aniya, hindi lamang ito simpleng pagdalo sa isang rally, kundi pagpapahayag din ng panawagan laban sa lumalalang korapsyon sa bansa.
Inihayag din ng grupo na sinisikap nilang matugunan ang mga nais makilahok sa pagtitipon sa EDSA People Power Monument, na magsisilbing pangunahing lugar ng programa.
Binigyang-diin ni Dee ang kahalagahan ng diwa ng People Power, na aniya’y nagsimula sa mapayapang pag-aalsa noong Pebrero 25, 1986.
Kung saan ang naturang diwa ng pagkakaisa at pakikilahok ng mamamayan ay patuloy umanong isinusulong hanggang sa kasalukuyan.
Dagdag pa niya, mahalagang mabusisi ang mga alegasyon ng anomalya, iskandalo, at katiwalian upang agad na maaksyunan at mapanagot ang mga sangkot.
Patuloy naman ang panawagan ng mga organisador sa publiko na makilahok sa mapayapang pagtitipon bilang pagpapakita ng pakikiisa at malasakit sa kalagayan ng bansa.










