DAGUPAN, CITY— Tinatayang nasa 50% ang maaring matanggal sa listahan ng mga Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa buong Region 1.
Ayon kay Marie Angela S. Gopalan, ang Regional Director ng DSWD Region 1, sa kanilang pagtataya ay tinitignan nila na maaring matanggal ang naturang bilang ng benepisyaryo dahil sa hindi na nila pagiging qualified pa sa naturang programa.
Aniya, hindi pa ito kinukumpirma ngunit batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay napag-alaman na may ilan na sa mga ito ang maari nang maalis dahil sa ilang kadahilanan; overage na at wala nang nag-aaral na mga anak, umangat na ang antas na ng pamumuhay, at may ilan nang nag-wave sa kanilang inklusyon sa nabanggit na program dahil alam na nilang tumayo para iangat ang kanilang buhay.
Sa ngayon ay binibilisan pa at mas pinapapalalim pa ng kanilang programa na ma-verify ang mga bagong makwa-qualify at sa mga maari nang matanggal sa listahan.
Saad ni Gopalan na inihahand na nila ang kanilang plano para maipaliwanag sa mga matatanggal na benepisaryo ng rason sa hindi na nila pagkakasali mula sa mga benepisaryo ngunit tinatalakay na rin nila ang ilang mga posibleng mga programa na maaring makatulong pa rin sa mga pamilyang ito para hindi mabigla sa pagkakatanggal sa kanila.
Dagdag pa rito, batay sa assessments, ang rehiyon 1 ay kabilang umano sa mga rehiyon na may mababang bilang ng mga mahihirap na isang patunay ng nagsusumikap na programa sa rehiyon para malabanan ang kahirapan.
Samantala, maaring ngayong quarter naman ilalabas ang resulta ng Listahanan 3 na batayan sa mga households na mananatili pa sa mga benepisaryo ng naturang programa.