Naniniwala si Navotas Rep. Toby Tiangco na posibleng may ilang mambabatas na nagtutulak ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa pangamba na hindi nila ito “maareglo” sakaling maupo bilang pangulo.
Ayon kay Tiangco, kung may mga opisyal na may kinakaharap na isyu, maaaring hindi nila nais na manalo si Duterte dahil mahihirapan silang makaiwas sa pananagutan.
Sinabi ni Tiangco na tiyak na hindi kayang maareglo si Duterte, at kung may mga opisyal na may kasalanan, natural lamang na hindi nila gugustuhing manalo ang isang lider na hindi nila kayang impluwensyahan.
Dagdag pa niya, hindi niya hinuhusgahan ang ibang kandidato, ngunit iginiit niyang si Duterte ay “isang milyon porsyento” na hindi kayang maareglo ng sinuman.
Sa pananaw ni Tiangco, ang katangiang ito ni Duterte ang maaaring dahilan kung bakit may mga opisyal na mas gustong ma-impeach siya kaysa magkaroon ng pagkakataong maupo bilang pangulo.










