DAGUPAN, CITY— Tiniyak ng TESDA Pangasinan na mayroong matatanggap na tulong ang mga repatriated o mga napauwi na mga Overseas Filipino Workers o OFWs na naapektuhan ng nararanasang pandemya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay TESDA Pangasinan Provincial Director Jimmicio Daoaten, kanyang nabanggit na ang mga naturang grupo ay prayoridad sa mga training programs na iniaalok ng nabanggit na tanggapan.

Sa katunayan, sa kasalukuyan ay mayroon nang 142 na mga OFWS na nakaenroll sa mga training programs, habang mayroon nang 120 ang nakapagtapos na sa mga programa ng ahensiya.

--Ads--

Ayon kay Daoaten, ito ay batay na rin sa resulta ng pagtawag ng mga miyembro ng kanilang tanggapan sa mga OFWs na nasa listahang mula sa OWWA at sa Central Office ng TESDA.

Samantala, hinihintay na lamang din ang pagkaapruba ng qualifications map para sa mga OFWs dito sa lalawigan ng Pangasinan na nais magkaroon ng National Certificate bilang mga industry workers.

Sakali aniyang maaprobahan na ito, maaari nang magpa-assess ang mga OFWs ng libre sa mga rehistradong paaralan sa ilalim ng TESDA para sa pagkakaroon ng National Certificate na ayon kay Daoaten ay kinikilala sa buong mundo at hinahanap din sa pag-aapply ng trabaho dito sa Pilipinas.

Sa ngayon, mayroon nang 750 slots para sa mga industry workers na nais magkaroon ng National Certificate dito sa Pangasinan at ito ay nakakalat sa iba’t-ibang mga paaralan sa lalawigan.