May naitalang dalawang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod ng Dagupan at isang frontliner mula sa bayan ng Santa Barbara.

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person ng lungsod, ang isa sa kanila ay isang 50-taong gulang na lalaking taga-Barangay Mayombo.


Siya ay na-admit sa isang private hospital noong Agosto 23 dahil sa lagnat, ubo at pananakit ng katawan.

--Ads--

Isinailalim kaagad siya sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa araw ding iyon at sa resulta ng kanyang test na inilabas, siya ay positive sa SARS-CoV-2, ang bagong strain ng coronavirus na nagdudulot ng Covid-19.

Ang pangalawang bagong kaso ay isa namang 28-taong gulang na lalaking taga-Barangay Lomboy.

Siya ay nagpa-konsulta sa isang private hospital noong Agosto 24 dahil sa dalawang araw na niyang ubo at sipon at pagkawala ng kanyang pang-amoy.

Hiniling din niya na isailalim siya sa RT-PCR test, kung saan natagpuang positive siya sa SARS-CoV-2 sa lumabas na test result.

Siya ay na-admit na sa Region 1 Medical Center.

Agad namang nagsagawa ng contact tracing ang mga frontliners ng City Health Office at Department of Health.

Dahil sa dalawang bagong kaso, apat na ngayon ang active cases ng lungsod.

Samantala, isa namang frontliner sa lungsod ng Dagupan at residente ng barangay Tuliao sa bayan ng Santa Barbara ang nagpositibo sa covid 19.

Napag-alaman na ang 62 anyos na lalaki ay nakaranas ng ubo, sipon, pagdumit at sakit ng ulo kaya ito nagpaswab test at positibo ang naging resulta.

Sumatotal, 343 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.