Nagbigay ng mahahalagang paalala si EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero hinggil sa tamang pamamahala ng basura ngayong Semana Santa.

Ayon kay Lucero, taun-taon ay nagiging suliranin ang tambak na basura matapos ang mga gawaing panrelihiyon tulad ng alay lakad, Visita Iglesia, at mga vigil.

Karaniwang iniiwan sa mga lansangan, simbahan, at iba pang religious sites ang mga plastik, bote ng tubig, at iba pang uri ng basura.

--Ads--

Binigyang-diin niya na ang pagsasabuhay ng pananampalataya ay dapat ding makita sa pangangalaga sa kalikasan.

Hinimok din niya ang publiko na maging mas responsable sa kanilang pagbiyahe.

Iminungkahi niya ang paglalakad, pagbibisikleta, paggamit ng pampublikong transportasyon, o carpooling upang mabawasan hindi lamang ang basura kundi pati ang carbon emissions sa gitna ng krisis sa langis.

Para naman sa mga dadalo sa mga vigil at iba pang aktibidad, pinayuhan ni Lucero ang mga deboto na:

Magdala ng sariling lalagyan ng tubig upang maiwasan ang pagbili ng bottled water, Gumamit ng reusable containers sa pagkain, Iwasan ang sobrang pagdadala ng pagkain na nauuwi sa aksaya at Dalhin pauwi ang lahat ng basura at itapon sa tamang lalagyan.

Iminungkahi rin niya ang paggamit ng mga likas na materyales tulad ng dahon ng saging bilang pambalot ng pagkain, na mas madaling mabulok at hindi nakakadagdag sa polusyon.

Sa mga indibidwal at grupong nagbibigay ng libreng pagkain at inumin bilang kawanggawa, hinikayat ni Lucero ang paggamit ng eco-friendly packaging at pagkakaroon ng sariling tapunan ng basura.

Aniya, ang mga nabubulok na tira-tirang pagkain ay maaaring i-compost sa halip na itapon sa landfill.

Ibinahagi rin ng EcoWaste Coalition na sa kanilang mga nakaraang monitoring sa mga lugar tulad ng Antipolo at iba pang dinarayo ng mga deboto, kapansin-pansin ang dami ng basurang iniiwan ng mga tao. Bagama’t may mga informal waste workers na tumutulong sa paglilinis, iginiit niya na hindi dapat umasa lamang sa kanila ang publiko.

Sa huli, nanawagan ito sa lahat na gawing bahagi ng pananampalataya ang pangangalaga sa kapaligiran.