Maraming bata sa Pilipinas ang naiaampon sa maling paraan, kung saan ang kanilang birth certificate ay pinalalabas na parang sila ay tunay na anak ng nag-ampon. Subalit ito ay isang ilegal na gawain na tinatawag na simulation of birth, kung saan ang isang bata ay ipaparehistro sa hindi niya tunay na magulang nang hindi dumadaan sa tamang adoption process.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Charisse C. Victorio – Lawyer ang RA 11642 o Domestic Administrative Adoption ay inilunsad upang gawing mas simple at abot-kaya ang legal na pag-aampon.

Ito ang tanging paraan para maging legal ang pag-aampon kung saan dadaan sa tamang adoption proceedings.

--Ads--

Ang verbal agreement o simpleng kasunduan sa pagitan ng biological at adoptive parents ay walang legal na bisa at hindi kinikilala ng batas.

Bukod dito, ang pagbibigay ng bata kapalit ng pera o anumang materyal na bagay ay isang uri ng human trafficking, na mahigpit na ipinagbabawal.

Samantala, mayroon namang mga kwalipikasyong nakasaad sa batas para maging adoptive parent gaya na lamang na dapat hindi bababa sa 25 taong gulang at may 16-year age gap sa aampunin.

Mainam rin na kakayahang suportahan ito kaya’t mahalaga na sundin ang tamang proseso upang matiyak ang legalidad at kapakanan ng bata.