Maaaring magkaroon ng malawak na epekto sa sektor ng agrikultura ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor Chairman, Federation of Free Farmers ang agarang epekto ng krisis ay ang pagmahal ng mga produktong petrolyo at natural gas, na mahalagang sangkap sa paggawa ng mga pataba tulad ng urea.
Ayon sa kanya, dahil nakadepende sa langis ang paggawa ng pataba, inaasahang tataas ang gastusin ng mga magsasaka sa produksyon.
Bukod sa pataba, sinabi rin niyang maaapektuhan ang transportasyon ng mga produktong agrikultural dahil gumagamit ng mga trak ang mga magsasaka upang maihatid ang kanilang ani mula sa bukirin patungo sa mga pamilihan.
Dagdag pa niya, malaking bahagi ng modernong pagsasaka ang paggamit ng makinarya gaya ng threshers, tractors at combine harvesters na umaasa sa diesel o gasolina.
Sa kabila ng banta ng krisis, sinabi ni Montemayor na sa ngayon ay wala pa umanong malawakang konsultasyon ang pamahalaan sa mga pangunahing grupo ng magsasaka upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin.
Ikinumpara niya ito sa naging paghahanda ng gobyerno noong panahon ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño noong 2001 sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Aniya, noon ay agad na bumuo ng inter-agency task force ang administrasyon upang tutukan ang paghahanda at implementasyon ng mga plano laban sa epekto ng kalamidad sa agrikultura.
Isa sa mga agarang suliranin ngayon, ayon kay Montemayor, ay ang limitadong pagbili ng gasolina at diesel sa ilang lugar.
Halimbawa, sa ilang gasolinahan sa Tarlac, hanggang 10 litro lamang umano ang maaaring bilhin ng bawat motorista kada buwan dahil sa rationing.
Problema ito para sa mga magsasaka na kailangang bumili ng gasolina para sa water pumps, tractors at iba pang kagamitan sa bukid.
Upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, iminungkahi ni Montemayor sa pamahalaan ang pagpapalawak ng fertilizer subsidy program at ang pagbibigay ng tulong sa gastos sa gasolina ng mga magsasaka.
Aniya, mahalaga ring matulungan kahit ang mga magsasakang walang sariling makinarya, dahil umaasa sila sa pag-upa ng sasakyan upang maihatid ang kanilang ani sa merkado.
Sa huli, nanawagan si Montemayor ng mas matibay na suporta para sa sektor ng agrikultura upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.










