DAGUPAN CITY- Rumesponde ang kapulisan katuwang ang Municipal Veterinary Office matapos mag-viral sa social media ang isang video na nagpapakita ng diumano’y pagmamalupit sa isang aso sa Brgy. Banaoang sa bayan ng Calasiao.

Batay sa ulat, nakita sa naturang video ang isang asong may tali sa leeg habang hinihila ng umaandar na motorsiklo na minamaneho ng may-ari nito, isang 65-anyos na lalaki.

Ayon kay PLt. Col. Ferdinand Lopez, Chief-of-Police ng Calasiao PNP, agad na inimbestigahan ng mga otoridad ang insidente at natunton ang kinaroroonan ng nasabing lalaki.

--Ads--

Sa isinagawang imbestigasyon, iginiit ng may-ari na wala siyang intensyong saktan ang alaga.

Aniya, ito raw ang naisip niyang paraan upang maisama ang aso sa kanilang pupuntahan.

Ngunit bago pa man sila makalayo sa pinanggalingan, isinakay na rin daw niya ang hayop sa motorsiklo.

Bumisita rin sa lugar ang ilang kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang tiyakin ang kalagayan ng aso.

Sa pagsusuri ng Municipal Veterinary Office, napag-alamang nasa maayos na kondisyon ito kung saan ay wala itong sugat o galos, at nasa normal ang kalusugan.

Bagaman walang tinamong pinsala ang alagang hayop, pinayuhan at binalaan ang may-ari ukol sa paglabag sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998, at hindi na rin ito sinampahan ng kaso.

Ayon sa hepe, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ahensiyang may kinalaman sa kapakanan ng mga hayop upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.