Sang-ayon ang Ibon Foundation sa resulta ng isang survey na nagsasabing 97% ng mga Pilipino ang naniniwala na malawakan ang korupsiyon sa gobyerno.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, malinaw na ipinapakita ng naturang bilang na ramdam ng mga Pilipino sa araw-araw ang epekto ng katiwalian sa pamahalaan gaya ng pagbaha.

Aniya, galit na ang taumbayan, lalo na ngayon na may mga lumalabas nang ebidensya at napapangalanan ang ilang mambabatas na umano’y sangkot sa katiwalian.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Africa ang mahalagang papel ng midya sa laban kontra korupsiyon.

Ayon sa kanya, mahirap umanong asahan na maresolba ito sa loob mismo ng gobyerno dahil may umiiral na kultura ng pagtutulungan at proteksiyon sa isa’t isa.

Kaya’t ang makakabasag lamang sa ganitong sistema ay ang publiko sa tulong ng midya.

Dagdag pa niya, maging ang mga anti-corruption agency ay hindi ligtas sa katiwalian dahil may roon ding korupsyon mismo sa kanilang opisina.

Naniniwala si Africa na malaki ang maitutulong ng pressure ng publiko hindi lamang upang mapahiya ang mga tiwaling opisyal kundi upang itulak ang pamahalaan na papanagutin ang mga ito.