Dagupan City – Susuportahan ang panukalang supplemental budget nina Pangasinan 3rd District Rep. Maria Rachel Arenas at AGIMAT Party-list Rep. Bryan Revilla sakaling kailanganin ng karagdagang pondo para maibalik sa bansa ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Bilang mga chairperson ng House Committee on Foreign Affairs at Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi nina Arenas at Revilla na handa silang suportahan ang panukala matapos ang isang joint congressional briefing tungkol sa sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Binanggit nila na ang kanilang suporta ay hindi lamang nakatuon sa polisiya, kundi handa ring maglaan ng pondo ang House of Representatives kung kinakailangan.
Tinatayang may 2.4 milyong OFWs sa Gitnang Silangan, at libu-libo na ang humihingi ng tulong.
Sa Kuwait lamang, 4,357 ang nag-request ng assistance, habang 2,690 ang humiling ng repatriation.
Sa kabila ng krisis, may natitirang pondo pa rin ang mga ahensya ng gobyerno, kung saan P1.4 bilyon ang natira sa emergency repatriation fund at P8 milyon ang nagamit na pondo.
Binigyang-diin ni Arenas na pangunahing layunin ang kaligtasan ng mga Pilipino, at tiniyak na patuloy na minomonitor ng Kongreso ang sitwasyon at susuportahan ang mga kinakailangang hakbang ng mga departamento ng gobyerno.










