Dagupan City – Nanantiling sapat pa rin ang suplay ng karne ng baboy at manok sa bansa.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, patuloy pa rin kasi ang produksyon ng mga ito ganoon na rin sa itlog.
Kung kaya’t aniya, hindi aasahan ang pagtaas ng mga presyo nito hanggang sa katapusan ng taon 2024.
Samantala, nakatakda namang makipagpulong ang kanilang grupo sa sektor dito sa lalawigan ng Pangasinan katuwang si Agriculture Asec. Dante Palabrica upang suriin ang isasagawang pagbabakuna kontra sa African Swine Fever o ASF sa nalalapit na Oktubre 29, 2024.
Aniya, layunin nito na masuri kung gaano nga ba ka-epektibo ang mga ipapadalang vaccine sa mga alagang baboy at kung hanggang kailan ito tatagal sa hayop.
Ibinahagi rin ni Engr. So na inaasahang mai-iiplimenta naman ang anti-sumggling law sa Enero sa susunod na taon (2025).
Mensahe naman nito sa publiko, hindi tumitigil ang kanilang grupo sa pakikipag-koordina sa Department of Agriculture, at sa katunayan ay may mga programa na rin ang departamento sa pangunguna ng Development Bank of the Philippines o DBP na pautang na may kasamang pataba at cash na ibibigay sa mga magsasaka sa bansa.