Dagupan City – Nanatiling stable ang presyo ng bangus sa Pangasinan kabila ng pagtaas ng demand.
Ayon kay Julius Benagua, core member ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan, dahil may sapat na stock at tuloy-tuloy ang delivery ng mga magbabangus, nananatili sa ₱190 hanggang ₱200 kada kilo ang presyo ng bangus, depende sa laki nito.
Gayunman aniya, mabagal umano ang paglaki ng bangus dahil sa malamig na panahon, dahilan upang maging limitado ang stocks.
Ibinahagi rin ni Benagua na kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, mas mataas ang presyo ng bangus ngayon bunsod ng mga bagyong nanalasa na nagdulot ng pinsala sa mga fish pond.
Sa kabila nito, iginiit niyang generally stable pa rin ang supply ng bangus, bagama’t nahihirapan ang mga magbabangus sa pagpapalaki ng fingerlings at tumaas na rin ang presyo ng mga ito.
Samantala, wala pa umanong pagbabago sa presyo ng pagkain ng bangus.
Subalit dahil sa epekto ng hanging amihan, nag-shift ang mga magbabangus sa mas masustansiyang feeds upang mapanatili at mapataas ang nutrition level ng mga isda.
Ibinahagi rin ni Benagua ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pag-aalaga ng bangus, na nagmumula sa mga animal nutrition companies, upang mas mapabilis ang paglaki ng isda at mapalakas ang resistensya nito laban sa sakit.










