Maituturing na pinakamahabang pag-apula ng sunog sa kasaysayan ng Manaoag ang naitalang sunog na naganap sa isang malaking pabrika ng kandila sa Barangay Pao sa kanilang nasasakupan.

Umabot kasi ito ng halos walong oras dahil mahirap apulain ang apoy sapagkat karamihan sa nasunog ay gawa sa wax na ginagamit sa paggawa ng kandila.

Sa panayam, sinabi ni Rosario na nagsimula ang sunog bandang pasado alas dos ng madaling araw at mabilis na lumaki hanggang umabot sa Category 4 bago itinaas sa Task Force Alpha ng Bureau of Fire Protection (BFP), na nangangailangan ng mas malawak na pagtugon mula sa iba’t ibang fire station.

--Ads--

Dahil sa tindi ng insidente, tinatayang nasa mahigit 20 na fire truck mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ang rumesponde.

Ilang ulit ding nagsagawa ng pagrefill ng tubig ang mga bumbero upang tuluyang makontrol ang apoy.

Sa kabila ng laki ng sunog, sinabi ng alkalde na walang naitalang nasawi o nasugatan.

Hindi rin nadamay ang bahay ng may-ari ng pabrika at maging ang mga katabing kabahayan dahil sa firewall matapos agad na makontrol ang pagkalat ng apoy.

Saad niya na bago mag-alas 11 ng umaga nang ideklarang fire out ang insidente.

Ayon kay Rosario, patuloy parin ang pag-iniimbestigahan sa sanhi ng sunog matapos din nitong makita ang naging kalagayan ng mga responders at nasunugan.

Gayunman, batay sa paunang impormasyon, nagkaroon umano ng brownout bago ang insidente at nang maibalik ang suplay ng kuryente ay doon na napansin ang pag-usok at pagliyab ng apoy.

Posible rin umanong nakaambag sa paglaki ng sunog ang bagong dating na suplay ng paraffin, pangunahing sangkap sa paggawa ng kandila.

Upang makatulong sa operasyon, ginamit din ng lokal na pamahalaan ang bago nitong fire truck, penetrator fire truck at boom truck.

Gumamit din ang mga kabomberohan ng Fire suppression foam upang mapigil ang pagkalat ng apoy, dahilan ng makapal na maitim na usok na nakita sa lugar.

Pinuri rin ng alkalde ang ipinakitang koordinasyon at pagtutulungan ng mga bumbero mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, kabilang ang mga responder mula sa mga karatig-bayan, San Carlos City, Urdaneta City at Dagupan City.

Dumating din sa lugar ang Assistant regional director ng BFP at ang acting provincial fire marshal upang pangasiwaan ang operasyon.

Nagpaabot naman siya ng pasasalamat sa lahat ng tumulong sa pagresponde sa insidente at muling nagpaalala sa publiko na huwag maging kampante laban sa sunog kahit tag-ulan.

Aniya, mahalagang tiyakin ang maayos na electrical connections, iwasan ang paggamit ng octopus connection, maging maingat sa mga charger at iba pang kagamitang de-kuryente, at sundin ang mga pangunahing alituntunin sa fire safety upang maiwasan ang kaparehong insidente.