DAGUPAN CITY- Nakisaya ang buong lungsod ng Dagupan sa muling pagdaraos ng Bangus Festival, tampok ang makukulay at masiglang street dance performances mula sa iba’t ibang grupo o cluster ng mga barangay.

Anim na grupo mula sa iba’t ibang barangay ang lumahok sa patimpalak, bawat isa’y may kani-kaniyang konsepto at galing sa pagsayaw.

Ayon kay Iyah Cayabyab, ang choreographer ng Cluster 2 na 12 taon na sa kanyang larangan at dalawang beses nang lumahok sa Bangus Festival, ang kompetisyong ito ay isang paraan ng pagsasabuhay ng kultura at kasaysayan ng Dagupan.

--Ads--

Aniya na hindi ito madali at maraming pagsubok at problema ang kinailangan nilang lampasan ngunit sa tulong ng bawat miyembro, nakamit nila ang maayos na performance.

Ibinahagi niya na kakaiba ang kanilang grupo dahil nakatuon sila sa mga isyung kinahaharap ng industriya ng palaisdaan, partikular sa epekto ng matinding init ng panahon sa pagpapalaki ng bangus.

Isa sa mga pinakamalaking hamon para sa kanya ay ang pamumuno sa mahigit 100 mananayaw.

Sa kabila ng limitadong panahon na isang buwan lamang nilang paghahanda, nagtagumpay ang grupo na maipakita ang kanilang konsepto na tunay nilang ipinagmamalaki.

Ayon naman sa mga organizers, ang street dance competition ay isa sa mga pinaka-aabangang bahagi ng Bangus Festival.

Taon-taon, dinarayo ito ng libo-libong turista mula sa iba’t ibang bayan o syudad.