DAGUPAN CITY- Walang naging maayos na solusyon ang Administrasyong Marcos Jr. upang mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, ang spokesperson ng Bantay Bigas, hindi naman natupad ang P20 na presyo ng bigas kundi patuloy lamang sa pag-angkat ng bigas.
Hindi aniya nabigyan ng gobyerno ng sapat na suporta ang lokal na produksyon.
Para kay Estavillo, tiyak na makikita ng gobyerno ang tunay na problema sa krisis ng pagkain kung ang mismong mga magsasaka ang kanilang konsultahin.
Kailangan din na maging parte ang mga ito sa pagsasagawa ng solusyon.
Ngunit, gayunpaman, patuloy pa rin umano ang pagbibingi-bingihan ng gobyerno at nakatuon pa din sa interes ng mga dayuhan at negosyanteng nasa gobyerno ang kanilang mga plano sa indstriya ng agrikultura.
Dagdag pa ni Estavillo, hindi sila magsasawang ipanawagan ang lupa para sa mga magsasaka.
Dapat lamang paglaanan ng mataas na pondo para sa mga magsasaka ng bansa.
At dapat lamang bilhin ng gobyerno ang mga palay ng mga magsasaka sa presyong makatarungan.
Ngunit mangyayari lamang ito kung ibabasura ang Republic Act no. 11203 o ang Rice Liberalization Law.