DAGUPAN CITY- Malaki ang inaasahang maitutulong ng itinatayong solar power project sa barangay, lalo na sa usapin ng murang kuryente, dagdag na kabuhayan, at tulong sa edukasyon ng kabataan.
Ayon kay barangay council Armando Magno, kabilang sa mga unang kundisyong inilatag sa financier ng proyekto ang pagbibigay ng scholarship sa mga kabataang residente upang mabigyan sila ng mas maliwanag na kinabukasan.
Isa sa mga pangunahing benepisyo ng proyekto ay ang produksyon ng kuryente mula sa sikat ng araw, na mas mura at hindi umaasa sa imported na langis o coal.
Ang malilikhang kuryente ay ibebenta sa (NGCP), na siya namang magpapasa nito sa mga kooperatiba, dahilan upang maging mas mababa ang singil sa kuryente ng mga konsyumer sa Pangasinan.
Tinatayang nasa 85% na ang completion rate ng proyekto at target na maging operational ito pagsapit ng buwan ng Mayo.
Inaasahan ding makalilikha ito ng mahigit 50 kilowatt na suplay ng kuryente at magbibigay ng trabaho sa humigit-kumulang 200 personnel para sa maintenance at operasyon sa pangmatagalan.
Tiniyak ng barangay council na isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga sakahan sa lugar.
Ayon sa kanila, nilagyan ng malalalim na irigasyon ang mga hangganan ng proyekto upang maiwasan ang pagpasok ng debris sa mga palayan, na mahalaga hindi lamang sa barangay kundi sa buong lalawigan ng Pangasinan bilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain.
Isinailalim din ang proyekto sa mga public hearing at nakakuha ng kinakailangang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
May itinakdang buffer zones at mahigpit na seguridad sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Sa pagtaas ng koleksyon ng buwis, inaasahang mapopondohan ang iba’t ibang proyekto ng barangay at munisipyo, kabilang ang scholarship programs, tulong sa mahihirap, at mga proyektong pangkabuhayan.
Bahagi rin ng pangmatagalang plano ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng modernong pamilihan malapit sa lugar upang lalo pang mapalakas ang lokal na ekonomiya.
Ipinahayag ng barangay council ang buong suporta sa solar power project na itinuturing hindi lamang para sa kaunlaran ng barangay kundi para sa mas malawak na pag-unlad ng mga karatig-lugar at ng buong Pangasinan.










