Pasok na sa 2026 Playoffs ang Portland Trailblazers matapos nitong pataubin ang ang Phoenix Suns, 114-110.
Pinangunahan ni Blazers forward Deni Avdija ang panalo ng Portland sa kaniyang bigtime double-double performance – 41 pts, 12 assists. Kumamada rin siya ng pitong rebounds at dalawang blocks, upang iposte ang positive (+) 13 na performance sa pagtatapos ng laban.
Sa crunch time, pinilit ng Blazers na habulin ang double-digit lead ng Suns lalo na sa 7-minute mark kung saan hawak ng Phoenix ang 11 points na kalamangan, 98-87.
Unti-unti itong nahabol ng Portland hanggang sa naiposte nito ang 102-105 score, dalawang minuto bago tuluyang matapos ang laban.
Hindi na napigilan ng Suns ang pag-arangkada ng Blazers at 33 seconds bago matapos ang regulation ay hawak na ng Portland ang lead, 109-108. Nagawa naman ng Suns na makapagpasok ng isang layup ngunit kinalaunan ay nahabol muli ito ng Blazers, 16 secs bago matapos ang laban.
Nabigyan pa ng pagkakataon ang Blazers na palawigin ang lead sa loob ng ilang segundo matapos hindi maipasok ni Suns guard Devin Booker ang isang 3-pointer, at tinapos ang laban sa 114-110, hawak ang apat na puntos na kalamangan.
Dahil sa pag-usad sa Playoffs, makakaharap na ng koponan ang San Antonio Spurs, ang ikalawang seed sa Western conference.
May pagkakataon naman ang Suns na makapasok pa sa postseason games kung magagawa nitong talunin ang sinumang mananalo sa pagitan ng Los Angeles Clippers at Golden State Warriors na nakatakdang magharap bukas, April 16.










