Mga kabombo! Ano nga ba ang kaya niyong gawin para sa isang content?

Kaya mo bang ibuwis ang iyung sariling kalusugan or worst ay buhay? Oh no!!! Ito kasi ang nangyari sa isang content creator sa social media.

Kung saan, isang 24-year-oldTurkish na kinilalang si Efecan Kultur ang nasawi matapos ang matagal na pakikipaglaban sa mga komplikasyon dulot ng obesity o sobrang katabaan.

--Ads--

Ang content kasi nito ay “mukbang” videos, kung saan ipinapakita niyang kinakain ang napakaraming pagkain,na agad namang nag-viral sa social media.

Ngunit ang kanyang labis na pagkain ay nagdulot ng matinding epekto sa kanyang kalusugan. Ayon sa ulat, tatlong buwan siyang na-confine sa ospital bago pumanaw noong Marso 7, 2025. Dahil sa sobrang timbang, nagkaroon din siya ng matinding hirap sa paghinga at pasa sa katawan, dahilan upang hindi na siya makapagpatuloy sa paggawa ng content.

Huli siyang nag-post sa social media platform walong buwan na ang nakalilipas at ang kanyang pinakahuling mukbang video sa isang social media platform noong October 15, 2024, kung saan sinabi niyang sinusubukan niyang umiwas sa sobrang maalat na pagkain bilang bahagi ng kanyang diyeta.

Sa kanyang huling post, ibinahagi niya ang isang larawan kasama ang kanyang mga tagapag-alaga, kabilang ang kanyang ina na pumanaw din noong nakaraang taon.

Habang patok na patok ang mukbang videos sa social media, nagbigay alarma ang insidente kay Kultur sa mga eksperto hinggil sa panganib ng labis na pagkain. Ayon sa mga pag-aaral, maaaring magdulot ang sobrang pagkain ng obesity, sakit sa puso, at iba pang malulubhang komplikasyon sa kalusugan.

Sa isang panayam, sinabi ng mga dietitian na ang mga kabataan ay maaaring mahikayat na tularan ang labis na pagkain ng kanilang mga iniidolo sa internet. May mga kaso pa nga kung saan ang ilang mukbang influencers ay lihim na niluluwa ang kanilang kinakain at ini-edit ang mga video para magmukhang nakakakain sila ng mas marami.

Dahil dito, pinag-aaralan na ng gobyerno ng Turkey ang mga panukalang batas upang higpitan ang paggamit ng social media, partikular sa mga kabataang wala pang 16-anyos.

Ang pagpanaw ni Efecan Kultur ay nagsilbing isang babala sa lahat, lalo na sa mga mahilig sa pagmumukbang, na ang labis na pagkain ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa kalusugan. Habang patuloy na lumalaki ang impluwensya ng social media, mahalagang maging mapanuri ang mga manonood at bigyang-pansin ang tamang pagkain at malusog na pamumuhay.