DAGUPAN CITY- Tunay umanong nakatulong sa mga residente ng Barangay Dalongue, Sta. Barbara ang slope protection o flood control project sa kanilang lugar upang makaiwas sa mataas na pagbaah tuwing may bagyo.

Ayon kay Barangay Captain Angel Tamayo, dati-rati ay madalas lumubog sa baha ang kanilang lugar dahil earth dike lamang ang nagsisilbing depensa ng mga residente.

Aniya na mahigit P200 milyon ang inilaan para sa proyekto na pinondohan ng Department of Budget and Management (DBM) sa kahilingan ng lokal na pamahalaan.

--Ads--

Unang isinagawa ang slope protection sa bahagi ng kanilang Care Village bago pa man ang mga naunang proyekto sa boundary ng bayan ng Calasiao.

Ipinahayag ni Tamayo na maayos ang kinalabasan ng proyekto at nakikitang tama ang paggastos ng pondo.

Gayunman, nananawagan siya na magkaroon ng warranty upang masiguro na maaasikaso ng contractor ang anumang masira, lalo na’t wala pang isang taon mula nang matapos ito.

Bagama’t nakikinabang na ang mga mamamayan, may ilang bahagi pa ng barangay na hindi pa natatapos ang proyekto.

Kamakailan, sa kasagsagan ng Bagyong Emong at habagat, nasira ang pader ng isang residente nang umapaw ang tubig patungo sa kanilang lugar.

Nagpaalala naman ang barangay captain sa kanyang mga kabarangay na makinig sa mga anunsyo lalo na sa panahon ng bagyo.

Muling ipinaalala ang kahalagahan ng preemptive evacuation upang maiwasan ang anumang casualty, sabay bigyang-diin na may nakahandang evacuation centers para sa kanila

Kasabay nito, nanawagan din siya sa mga nakatataas na opisyal na tiyaking maayos ang pamantayan sa pagpapatupad ng proyekto at balanse ang trabaho ng contractor, upang tuluyang mapakinabangan ng mga residente ang flood control system.