DAGUPAN CITY — Ayon kay Dr. Nhorly Domenden, Director ng Wundt Psychological Institute, likas sa tao ang kakayahang magpatawad—lalo na sa mga Pilipino, na may kultura ng pagpapatawad na malalim ang ugat sa pananampalatayang Katoliko.

Isa rin sa dahilan ay ang emosyonal na investment ng isang tao. Habang tumatagal ang relasyon, dumarami ang alaala, potensyal, at mga “what if” kasama ang isang tao. Dahil dito, madalas ay piliin ng tao na magbigay ng pagkakataon, umaasa na baka sa pagkakataong ito ay magbago at mas magiging mabuti ang kanilang kapareha.

Ang pag-asa sa kakayahan ng tao na magbago ay natural; at dito umuusbong ang pagpapatawad kahit sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakamali ng iba.

--Ads--

Ngunit nagbabala si Domenden na may mga pagkakataong nagiging labis na dependent ang isang tao sa iba, at maaaring akala nila na ang mahigpit na kapit ay ang tanging paraan para manatili ang relasyon. Dito mahalagang malaman ang hangganan ng pagiging maunawain at kung kailan kailangan itakda ang personal na limitasyon.

Bukod dito, ibinahagi rin ni Dr. Nhorly ang iba’t ibang anyo ng pagtaksil sa romantikong relasyon. Hindi lamang pisikal ang pagtaksil—maaari rin itong maging emosyonal o “micro-cheating,” kung saan maliit na pagkilos o intensyon ang naglalagay sa relasyon sa panganib.

Sa lifestyle at relasyon, malinaw ang mensahe: ang pagpapatawad at pag-ibig ay hindi simpleng proseso. Ito’y balanse ng pag-asa, malasakit, at kamalayan sa sariling hangganan. Isang sining at misteryo na patuloy nating tinutuklas sa ating mga relasyon.