DAGUPAN CITY – “Imperfect solution to an imperfect problem.”

Ganito inilarawan ng mga IT Specialist ang pagsasabatas ng sim card registration sa bansa upang labanan ang laganap ngayon na text scams.

Ayon kay Wilson Chua, Managing Director and co-Founder ng BITSTOP Incorporated, at isa ring data center operator, isa mang magandang hakbang ito para matukoy ang mga nasa likod ng text scams, ngunit magkakaproblema ito sa data privacy at ethics in data collection.

--Ads--

Aniya, ito ay dahil kilala ang bansa sa hindi magandang tract record sa pagprotekta sa confidential information gaya na lamang ng leakage ng impormasyon noon sa COMELEC kung saan milyong records ang naileak mula sa system nito at maging ang “Mabuhay club data” ng Philippine Airlines dahil sa pagkakahack ng 3rd party nito na Axilia.

Ikinababahala ng mga IT Experts sa bansa ang ganitong mga posibilidad lalo umano na nakikita na hindi pa malinaw ang mechanics ng naturang batas lalo na kung sino ang hahawak at may access sa registry, sino o kaninong ahensya nakaatang ang pag-update ng data, at ano ang malinaw na gagawin kapag nawala ng isang sim registrant ang kanyang phone o kaya ay mag-aapply ng bagong sim.

Sa kanya ring perspektibo bilang data center operator, mahirap talaga na pangalagaan ang mga gathered data, inihalimbawa nito na sa kanilang hanay pa lamang ay nasa 4 million attacks ang nakikita nila araw-araw kumpara kapag sa telco companies na umaabot pa ng billions of attack kada araw.

Sa panig naman ni Dr. Dominic Ligot, founder at CEO ng Cirrolytix na isang social impact data analytics company, sa mga bansa na nakapag-implementa na rin ng Sim Card registration gaya na lamang ng Mexico, Malaysia, at Indonesia, sa isang taon nito ay na-leak ang registry of imformation sa dark web na maituturing na mas malaking problema dahil maaring ibenta ng mga hackers ang mga impormasyong ito.

Wala na rin aniyang anonymity sa user ng isang sim at prone din ito sa identity theft.

Kaya naman mungkahi nito na imbes sana na sim card registration na nakasama ang mga personal na impormasyon ay magkaroon na lamang sim registry na nandoon ang detalye para sa user kung nais nitong tanggapin ang mga calls and text.

Ito umano ay nakapaloob sa inihahain na House Bill 9806 o ang Do not Call list na mas tina-target ang mga solicitation via calls, email, at sms na pangunahing mag-aadress sa anumang uri ng scam sa mga nabanggit na platforms.