Nasawi ang isang 68-anyos na senior citizen matapos mabangga ng isang sports utility vehicle o SUV habang tumatawid sa National Highway sa bayan ng Pozorrubio.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Pozorrubio Municipal Police Station, minamaneho ng isang 30-anyos na empleyado ng lokal na pamahalaan ang isang puting Toyota Innova at binabagtas ang southbound lane ng national highway nang bigla umanong tumawid ang biktima mula sa kanlurang bahagi ng kalsada patungong silangan.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima sa kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Agad siyang isinugod sa Pozorrubio Community Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.
Hindi naman nasugatan ang driver at ang mga sakay nitong magulang na kapwa residente ng Binalonan.
Nagtamo rin ng pinsala ang sasakyan, habang patuloy pang inaalam ang halaga ng naging sira nito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pozorrubio Municipal Police Station ang sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon, habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng insidente.










