Dagupan City – Iginiit ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na kailangang tutukan ng liderato ng Senado ang mga isyung kinahaharap nito, lalo na sa gitna ng mga nararamdamang pagkakasangkot ng ilang kapwa senador sa mga kontrobersiya.
Ani Pangilinan, dapat ipagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa mga flood control projects, na aniya’y bahagi ng tungkulin ng Senado in aid of legislation.
Aniya, mahalaga ang papel ng Senado sa pagbusisi ng mga isyung may kaugnayan sa pondo ng bayan, at kinakailangang tiyakin na may pananagutan ang mga sangkot sa anumang anomalya.
Dagdag pa ng senador, nakikita niya ang suporta ni Senate President Tito Sotto sa panukalang pagbuo ng isang independent body na magsisiyasat sa naturang mga proyekto, bilang tugon sa lumalalang isyu ng katiwalian.
Nais din nito na maibalik ang tiwala at respeto ng publiko sa Senado bilang isang institusyong gumaganap ng mahalagang papel sa demokrasya.
Ngunit binigyang-diin niya na hindi ito mangyayari kung walang mananagot sa mga anomalya.
Sa katunayan aniya, maraming sensitibong aspeto sa isyu, lalo na’t may ilang halal na opisyal na maaaring maapektuhan.
Gayunman, iginiit niyang hindi ito dapat maging dahilan upang hadlangan ang paghahanap ng katotohanan at pananagutan.