Dagupan City – Hindi maikakailang ginawang hakbang lamang ang Senate resolution para sa house arrest ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para hindi tumigil aang usaping ‘Duterte’ sa publiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco – Political analyst at Constitutional Expert, sinabi nito na hindi ito sagot sa kasalukuyang sitwasyon lalo na’t wala na ring magagawa ang bansa sa International Criminal Court.
Nauna nang nilinaw ni Yusingco na naiintindihan nito na sa ating bansa ay binibigyan ng galang ang mga matatanda, ngunit iba kasi aniya ang sitwasyon ngayon lalo na’t si Duterte ay akusado sa crime against humanity.
Kung kaya’t dapat aniyang maaintindihan ng publiko ang konsepto ng compassion.
Hinggil naman sa hinaing ng mga tagasuporta nito na bakit sa ICC pa, ipinaliwanag ni Yusingco na dahil ito sa maaaring hindi makakakuha ng fair trial ang kaso sa bansa dahil dating pangulo si Duterte at dagdag pa ang kaniyang mga tagasuporta.
Samantala, matatandaan naman na umiingay sa mga surveys ang pangalang Marcos at Duterte.
Ayon kay Yusingco, hindi lang dapat umiikot ang pulitika sa dalawang pamilya dahil hindi lang sa kanila umiikot ang labanan.
Binigyang diin nito na huwag hahayaang maipit ang publiko sa ganitong sitwasyon dahil ito ay law enforcement operation kaya dapat patungkol lamang ito sa katotohanan at walang puwang ang trolls at mga usaping nabibigyan ng kulay sa pulitika dahil may kaakibat itong ‘Unintended consequences’.