Dagupan City – Nanindigan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na kinakailangan ng agarang maorganisa ang Commission on Appointments upang mapalakas ang suporta para sa sektor ng agrikultura at mapabuti ang proseso ng mga itinalagang opisyal, lalo na sa hudikatura.
Ayon kay Pangilinan, mahalaga ang papel ng Judicial and Bar Council (JBC) sa paghahanda ng mga pangalan para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura, kung saan tatlong pangalan ang inirerekomenda sa Pangulo para sa bawat bakante.
Dito na binigyang-diin ni Pangilinan ang malawakang epekto ng mga proyektong palpak na flood control sa sektor ng agrikultura, lalo na sa mga probinsyang gaya ng Pampanga na matinding tinamaan ng pagbaha.
Paliwanag nito na kung tutuusin, ang flood control ay bahagi ng tamang pamamahala ng tubig.
Kaya’t kung walang maayos na water management, ang tubig mula sa mga ilog ay dire-diretsong dadaloy sa mga taniman, sisira sa ani, at magpapawalang-silbi sa mga pataba.
Dagdag pa niya, ang bawa’t proyekto na naglalayong ayusin ang river systems na may halaga sa pagitan ng P15 bilyon hanggang P20 bilyon kada sistema.
Sa kabuuang halaga na P350 bilyon na posible na umanong ayusin ang 18 pangunahing river systems sa loob lamang ng isang taon.
Bukod sa agrikultura, nabanggit din ni Pangilinan ang isyu ng aquaculture resources at agricultural smuggling, na patuloy na nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Dito na isiniwalat ni Pangilinan na naghain na sila ng panukalang batas para sa pagtatatag ng isang Department of Water Risk and Resource Management, na siyang mangangasiwa sa 18 pangunahing water systems ng bansa.