Pagkakaroon ng self-awareness, tamang suporta, at positibong pananaw sa sarili ay susi upang matutunan kung paano harapin at i-transform ang insecurity tungo sa mas mabuting bersyon ng ating sarili.
Yan ang binigyang diin ni Dr. Argel B. Masanda – Psychologist kaugnay sa pakiramdam ng kakulangan sa sarili o ang tinatawag na insecurity.
Ayon kay Dr. Masanda ang ugat nito ay madalas nagmumula sa mga karanasan sa pagkabata—tulad ng kakulangan sa pagmamahal, repeated rejection, o bullying.
Aniya, ang insecurity ay isang pakiramdam ng kakulangan o kawalan ng tiwala sa sarili.
Ipinaliwanag din niya na may kaugnayan ang insecurity sa mababang self-esteem, ngunit hindi magkatumbas ang dalawa.
Ang mababang self-esteem ay resulta ng patuloy na paghahambing sa iba, samantalang ang insecurity ay maaaring maramdaman kahit na nakamit na ang inaasam na tagumpay o pamantayan ng lipunan.
Malaki ang papel ng karanasan sa pagkabata sa pagbuo ng insecurity sa adulthood.
Ang kakulangan sa pagmamahal, pagkalinga, o atensyon mula sa magulang, pati na rin ang karanasan ng bullying o repeated rejection, ay maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa self-esteem at self-concept ng isang tao.
Ayon kay Dr. Masanda, ang insecurity sa adulthood ay lumalabas sa mga sitwasyon kung saan may negatibong komento o paghahambing sa iba.
Halimbawa, kapag ang isang kasamahan sa trabaho ay nauna sa promotion, maaaring maramdaman ng isang tao ang inggit o kawalang-kasiyahan, kahit na dapat ay masaya siya para sa kaibigan o kasamahan.
Nagbigay si Dr. Masanda ng ilang konkretong hakbang upang mapamahalaan ang insecurity:
Self-Reflection at Self-Awareness – Mahalaga ang pagninilay sa sarili upang maunawaan ang pinagmumulan ng insecurity.
Maximizing Personal Potential – Sa halip na ikumpara ang sarili sa iba, dapat mag-focus sa sariling kakayahan at pag-unlad.
Seeking Guidance – Para sa mga nahihirapan sa proseso, makabubuti ang lumapit sa psychologist, counselor, o therapist.
Positive Social Circle – Ang pag-ikot sa mga taong may positibong pananaw at hindi insecure ay nakakatulong sa pag-boost ng sariling confidence.
Turning Insecurity into Motivation – Maaaring gamitin ang insecurity bilang gabay upang mas mapaunlad ang sarili.
Ang pagiging humble at pagkakaibigan sa mga taong mas mahusay ay nagbibigay ng oportunidad na matuto at mag-improve.
Pinayuhan ni Dr. Masanda ang mga nakararanas ng insecurity, na lahat tayo ay may certain level ng insecurity, at ang ng paraan lamang para mawala ito ay ibigay mo kung ano man ang bagay na ito para sa iyong sarili.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pagtanggap sa pagmamahal at suporta mula sa iba, pati na rin sa sarili.
Dahil ang buhay natin ay hindi karera, kaya’t magkaroon ng mas magandang paraan ng pagtanggap sa sarili.










