DAGUPAN CITY- Pinalalakas na ng San Fabian Police Station ang seguridad bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na halalan. Naka-full alert status na ang buong puwersa para tiyaking magiging ligtas at maayos ang pagboto sa bayan.
Ayon kay PLT Fidel Mejia, Duty Officer ng San Fabian PNP, maagang naipuwesto ang kanilang mga tauhan sa mga polling precinct upang agad na masimulan ang pagbabantay. May kabuuang dalawampu’t walong presinto ang kanilang tututukan sa buong bayan, kabilang na ang mga paaralan at iba pang itinakdang voting centers ng COMELEC.
Sinabi rin ni Mejia na nasa maayos na kalagayan ang kanilang hanay at walang naitatalang insidente ng karahasan o tensyon kaugnay ng eleksyon. Mahigpit din ang koordinasyon ng PNP sa COMELEC at mga lokal na opisyal upang mapanatili ang kaayusan sa araw ng halalan.
Sa ngayon, wala pang naiuulat na lumabag sa ipinatutupad na gun ban sa kanilang nasasakupan. Maging ang mga tumatakbong kandidato ay sumusunod sa mga patakarang inilatag ng COMELEC para sa isang mapayapang halalan.
Bukas rin ang San Fabian PNP na magpadala ng karagdagang personnel sa mga kalapit-bayan na mangangailangan ng suporta, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng aberya o heightened security risk.
Paalala naman ni Mejia sa publiko: makiisa sa layunin ng PNP at ng COMELEC na gawing maayos, tahimik, at ligtas ang buong proseso ng halalan — mula sa pagbubukas ng mga presinto, hanggang sa bilangan ng mga boto.
Home Local News Seguridad sa Halalan sa San Fabian, Pangasinan, Pinalakas; 28 Presinto, Tututukan ng...