Mas pinaigting ng pamahalaang lungsod ang kampanya laban sa karahasan at pang-aabuso, lalo na sa kabataan, sa pamamagitan ng inilunsad na programang “SafeNet.”

Ayon kay Councilor. Hilary “Tala” Paras, miyembro ng Sangguniang Panlungsod, sinabi nito na nagsagawa ng conceptualization meeting ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez kasama ang iba’t ibang sektor, tanggapan, at ahensya.

Layunin umano ng pulong na mas mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa mga senyales ng pang-aabuso at kung paano agad makakakuha ng tulong ang mga biktima.

--Ads--

Ayon kay Paras, lumitaw sa talakayan sa tulong ng isang psychometrician na maraming kabataan ang hindi agad nakikilala ang mga palatandaan ng pang-aabuso o kung kailan sila dapat humingi ng tulong.

Binigyang-diin din nito na hindi dapat matakot ang sinumang nakakaranas o nakakasaksi ng pang-aabuso na magsumbong, lalo na’t seryoso ang lungsod sa pagsugpo sa ganitong mga kaso.

Ang “SafeNet” program ay magsisilbing support system hindi lamang para sa mga estudyante kundi maging sa mga magulang at frontliners. Layunin nitong palawakin ang kaalaman at kakayahan ng komunidad upang maging aktibong bahagi sa pagprotekta sa mga biktima.

Samantala, saad naman ni Councilor Jaja Cayabyab, na isa sa mga pangunahing layunin ng SafeNet ay maglatag ng malinaw at sistematikong proseso kung paano tutugon sa mga kaso ng pang-aabuso, kabilang ang sexual abuse at bullying.

Ayon kay Cayabyab, isinagawa ang isang conceptualization meeting kung saan binuo ang step-by-step approach sa pagresponde sa mga insidente mula sa agarang pag-uulat sa hotline hanggang sa pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga biktima.

Dagdag pa nito, mahalaga ang papel ng Teen Center sa lungsod sa pagsasagawa ng assessment, lalo na sa kalusugang pangkaisipan ng mga biktima. Marami umano sa mga nakararanas ng pang-aabuso ang dumaranas ng trauma o post-traumatic stress na nangangailangan ng mas malalim na interbensyon.

Kung kinakailangan, agad ding nire-refer ang mga biktima sa iba pang institusyon para sa karagdagang tulong medikal, legal, at psychosocial.

Binigyang-diin ni Cayabyab na hindi lamang nakatuon sa iisang insidente ang SafeNet, kundi sa kabuuang kalagayan ng biktima.