BOMBO DAGUPAN – Halos isang buwan na ang nakararaan mula nang makaranas umano si Sandro Muhlach ng seksuwal na pang-aabuso.
Pero hanggang ngayon, nakakaramdam pa rin daw siya ng pandidiri sa sarili dahil sa pang-aabusong ginawa umano sa kanya ng suspended GMA-7 independent contractors na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz sa isang hotel noong Hulyo 21, 2024.
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang maganap ang insidente, nagsalita si Sandro sa pamamagitan ng virtual participation niya sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media kahapon, Agosto 19, 2024.
Pinagunahan nina Senator Robin Padilla at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagdinig.
Naging maingat si Sandro sa pagsagot sa mga tanong ni Estrada dahil ngayong araw ay pormal na siyang naghain ng reklamo sa Department of Justice.
Pero bago tinapos ni Padilla ang senate hearing, hiniling ni Sandro na bigyan ito ng pagkakataong magsalita tungkol sa kanyang karanasan.
Katabi ang kanyang legal counsel na si Atty. Czarina Quintanilla-Raz, inilahad ni Sandro ang kasalukuyan niyang estado matapos ang pang-aabusong naranasan umano niya sa kamay nina Nones at Cruz.
Kasunod nito ay inamin ni Sandro na hindi siya “talagang okay” dahil sa masamang karanasang ito.
Dumalo rin sa pagdinig sa Senado ang singer na si Gerald Santos, na inilahad ang seksuwal na pang-aabusong naranasan umano niya noong 2005, sa edad na lamang 15.