Nananatiling malinaw sa African Swine Fever ang bayan ng San Fabian matapos tiyakin ng Municipal Agriculture Office na wala silang naitalang bagong kaso, sa kabila ng ulat na may namatay umanong alagang baboy kamakailan.
Nang i-validate ng mga tauhan ng MAO ang ulat, hindi na nila nadatnan ang baboy na iniulat na namatay.
Dahil dito, hindi naisagawa ang kinakailangang pagsusuri para matukoy kung ASF nga ba ang dahilan ng pagkamatay.
Aminado ang opisina na nagkaroon ng mga insidente noong kasagsagan ng pandemya, ngunit wala nang sumunod na kaso mula noon. Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ang mga barangay para matiyak na hindi makakapasok ang sakit sa populasyon ng mga alagang baboy sa lugar.
Habang nananatiling maayos ang ASF situation sa San Fabian, nakikita ng mga tindera at producer ang posibilidad ng paggalaw sa presyo ng karneng baboy ngayong papalapit ang holiday season.
Sa ngayon, nananatili sa humigit-kumulang ₱390 hanggang ₱400 ang kada kilo sa mga pamilihan presyong inaasahang maaaring tumaas kapag sumipa ang demand.










