“25 na missiles ang muling pinakawalan ng Russia sa area ng Kharkiv region.”


Ito ang naging pahayag ni Bombo International News Correspondent Genevive Dignadice sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa umiiral ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine. Kaugnay ito ng katatapos lamang na pagpapaulan naman ng Russia ng 16 na missiles sa Zaporizhzhia region.


Dagdag ni Dignadice na tatlong araw nang namumuro ang retaliation ng Russia sa Ukraine matapos ang nangyaring pagsabog sa tulay na nagkokonekta sa Russia at Crimea Peninsula kung saan ay patuloy silang nagpapaulan ng missile sa kalupaan ng Ukraine na nagdulot din sa pagkasira ng geothermal power plant at railway system na ginagamit ng Ukrainian military sa paghahatid ng iba’t ibang mga supply sa loob at labas ng Kyiv.

--Ads--


Maliban pa rito ay binigyang-diin ni Dignadice na sadyang pinapaulanan ng Russia ng missile ang sentro ng Ukraine, partikular na ang apat na electric stations sa Kyiv na nagdulot naman ng malawakang pagkawala ng kuryente sa malaking bahagi ng nasabing bansa na kinabibilangan ng halos mahigit 300 na mga lugar hanggang ngayon.


Saad pa ni Dignadice na hindi inasahan ng Ukraine ang mga missile attack ng Russia sapagkat nadagdagan pa ang pwersa ng Russia matapos silang samahan ng ilang hackers na nagkompormiso naman sa ilang defense systems ng Ukraine kaya’t hindi rin nila naharang o napigilan ang pagpasok ng mga missiles sa kanilang bansa.


Kaugnay nito ay sinabi pa ni Dignadice na nakikita rin umano niya na sinusubukan ng ilang Ukrainian soldiers na maghatid ng mga bomba sa ilang lugar sa Russia, subalit ay naaaktuhan naman ang mga ito ng mga itinatalagang security forces ng karatig na bansa kaya hindi nila ito tuluyang naipapasok.