Dagupan City – Nakaramdam ng matinding kaba at halo-halong emosyon ang ilang pamilya ng mga biktima ng kampanya kontra droga at ang grupong Rise Up for Life and for Rights kasabay ng pag-usad ng kahilingan para sa interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inamin ni Rubylin Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, na labis silang kinabahan habang hinihintay ang magiging desisyon ng ICC.

Gayunman, umaasa silang papanig ang desisyon sa panig ng mga pamilya ng mga biktima, upang sa wakas ay maipaabot ang hinihiling nilang hustisya.

--Ads--

Ayon kay Litao, ang anumang desisyon ng ICC ay makaaapekto nang malaki sa pakiramdam ng mga pamilya, lalo na’t may pangamba umano sila sa kanilang seguridad.

Ibinahagi rin niya na habang binabasa at isa-isang inilalahad ang mga bahagi ng desisyon, nakaranas sila ng sari-saring emosyon—mula sa kaba hanggang sa pag-asa.

Nabanggit din sa Appeals Chamber ang pagkapanalo sa halalan sa kanilang lungsod, bagay na iniuugnay ni Litao sa patuloy na impluwensiya ng pamilya Duterte sa pulitika sa kabila ng imbestigasyong hinaharap.

Bagama’t naniniwala si Litao na malayo pa ang tatakbuhin ng proseso, nanawagan siya sa kampo ng dating pangulo na huwag na umanong gumamit ng anumang “delaying tactics” upang hindi na maantala ang imbestigasyon.

Samantala, para kay Jane Lee, isa sa mga kaanak ng biktima ng umano’y extra-judicial killings noong kampanya kontra droga, isa umano itong “maagang pamasko.”

Aniya, malaking usapin sa kanilang seguridad ang anumang posibilidad ng paglaya, lalo na’t sila ang kabilang sa mga naglakas-loob na magsiwalat ng impormasyon at nanawagan ng pananagutan sa dating pinuno.