Dagupan City – Puspusan ang isinasagawang replacement at rehabilitation ng mga lumang pipeline ng PAMANA Water sa iba’t ibang bahagi ng Dagupan City.

Ayon kay Glenn I. Gomez ang Branch Manager ng PAMANA Water Dagupan City na sinasabay nila ito sa nagpapatuloy na konstruksyon sa mga proyekto ng drainage system at elavation of road sa lungsod.

Bagama’t may pagkakataon na nagkakaroon umano ng mga minor interruption dahil sa mga natatamaang linya dahil sa mga construction pero tinitiyak naman nila na hindi ito nagtatagal ng 3 or 5 oras dahil mabilis naman itong naaayos.

--Ads--

Aniya na ang hakbang na ito ay naglalayong mapabuti ang daloy ng tubig , mapalitan ang mga luma na pipeline para sa maayos na serbisyo upang maiwasan ang mga pagtagas na nagiging sanhi ng pagkawala ng tubig sa ilang mga consumers.

Bukod pa rito, layunin din nitong masiguro ang kalidad ng tubig na dumadaloy sa mga kabahayan at establisyimento sa lungsod para maging maayos ang access nila sa malinis na tubig.

Samantala, ipinagmalaki rin ng PAMANA Water na umabot na sa 25 ang bilang ng mga pumping station sa lungsod at inaasahan pa na madadagdagan pa ng 2 o 3 sa susunod na taon.

Nasa 100 porsyento naman aniya na nasusupplayan na ang lahat ng Barangay sa lungsod ngunit sa mga household ay mangilan-ngilan pa sapagkat hindi pa nagpapakabit ang ilan sa mga ito dahil sa pagkakaroon pa ng kanya-kanyang poso.

Saad niya na ang mga pumping station na ito ay may malaking papel sa pagpapanatili ng water pressure at pagtiyak na ang tubig ay umaabot sa lahat ng bahagi ng lungsod, lalo na sa mga mataas na lugar.

Nagpaalala naman ang PAMANA Water sa publiko na maging maunawain sa mga abalang maaaring idulot ng mga isinasagawang proyekto.

Tiniyak din nila na ginagawa nila ang lahat upang mapabilis ang trabaho at mabawasan ang anumang abala.