DAGUPAN CITY- Aktibong naka-monitor ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 sa kalidad ng katubigan sa bayan ng Anda at Bolinao upang bantayan ang kalagayan ng red tide.
Ayon kay Atty. Girly Dela Peña, Officer-in-charge ng BFAR Region 1, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, umabot na sa higit dalawang buwan na positibo sa red tide ang aquaculture sa dalawang bayan.
Sa loob ng makalipas na limang taon ay ito na umano ang pinakamatagal na red tide sa mga munisipalidad na ito.
Paliwanag niya na mababa ang dissolved oxygen sa lugar at ang salinity level nito kaya hindi nagiging maganda ang pagbabago ng katubigan.
Hindi pa umano tiyak kung kailan mawawala ang red tide toxins sa bayan ng Anda at Bolinao.
Bagaman, apektado ang kabuhayan ng mga nagpapalaki ng shellfish (tahong) at iba pang sea foods, patuloy naman ang pagtulong ng kanilang ahensya sa mga ito.
Nagpaalala si Dela Peña na iwasan muna ang mga pagkain ng mga uri ng tahong, talaba, at alamang.
Gayunpaman, ligtas naman umano kainin ang iba pang sea foods basta lamang ay nalinisan ito nang maigi.










