Dagupan City – Umabot na sa tinatayang 357 pamilya o katumbas ng 1,300 indibidwal ang naitalang naapektuhan ng hagupit ng bagyong Kristine.

Ayon kay Adreanne Pagsolingan, Spokesperson ng Office of the Civil Defense Region I, 380 ng mga ito ay nasa loob ng evacuation centers habang 39 naman ang tumutuloy sa kani-kanilang mga kamag-anak.

Dagdag pa rito, umabot naman sa 2,000 pamilya o nasa 7,600 indibidwal ang nauna nang nag-conduct ng pre-emptive evacuation sa buong rehiyon.

--Ads--

Habang nasa 17 mga kabahayan naman ang napinsala na kinabibilangan na sa pinagsamang lalawigan ng Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

17 rin ang naitalang nawalan ng suplay ng kuryente 7 rito ang naibalik na sa normal.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang response operation ng mga awtoridad at pagbibigay ng mga tulong sa mga apektado.

Nananatili namang lubog sa baha ang ibang parte sa lungsod ng Dagupan, bayan ng Lingayen, at Santo Tomas. At nilinaw ni Pagsolingan na wala pang naitalang pag-apaw ng major river basins.

Sa kabila naman ng pagbaba ng tropical cyclone wind signal sa mga lalawigan, nananatili namang nakataas aniya ang Red Alert Status sa buong rehiyon para sa pagpapanatili ng seguridad at pagiging alerto ng mga residente.

Samantala, nakapagtala naman na ng 1 nasawi at 1 nawawala sa kasagsagan ng bagyo, ngunit inaalam pa ng mga awtoridad kung konektado ba ito sa hagupit ni bagyong Kristine.