Isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura ang isinagawa kamakailan sa bayan ng Mapandan sa pamamagitan ng ginanap na courtesy call at site validation na pinangunahan ng Department of Agriculture – Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PhilMech).

Layunin ng aktibidad na ito na suriin at paghandaan ang kahilingan ng lokal na pamahalaan hinggil sa pagtatayo ng modernong warehouse na may kasamang dryer, gayundin ang pagkakaloob ng 4-wheel tractor at harvester na magagamit ng mga magsasaka sa mas epektibong produksyon ng ani.

Pinangunahan ng mga Science Research Specialists ng DA-PhilMech, ang masusing pag-iinspeksyon sa mga posibleng lokasyon ng proyekto.

--Ads--

Kanilang sinuri ang mga lugar upang matiyak na ang itatayong pasilidad ay ligtas, angkop, at madaling mapapakinabangan ng mga magsasaka sa iba’t ibang barangay ng Mapandan. Kabilang sa kanilang isinasaalang-alang ang accessibility ng lugar, sukat ng lupang pagtatayuan, at kakayahan nitong suportahan ang operasyon ng mga makabagong kagamitang pangsaka.

Sa pamamagitan ng modernisasyon at mekanisasyon ng pagsasaka, inaasahang tataas ang ani at kita ng mga magsasaka, mababawasan ang pagkawala ng ani dahil sa hindi maayos na pagproseso, at higit na mapapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain.

Ipinahayag din ng pamahalaang lokal ng Mapandan, ang kanilang pasasalamat sa DA-PhilMech sa tulong at patuloy na pakikipag-ugnayan para sa pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura.