Dagupan City – Inaasahang magpapalago at magpapalakas ng turismo ang Proyektong One Manaoag Public Market ng Lokal na Pamahalaan sa bayan ng Manaoag.

Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Ming” Rosario, ang proyektong ito ay pinagsikapan niyang maisakatuparan simula pa sa kanyang unang taon bilang alkalde, dahil matagal na itong kailangang maayos bilang isa ang kanilang bayan sa mga dinarayo dito sa Pangasinan kung saan sa pamamagitan nito ay magkakaroon sila ng maayos, malinis at organisadong pamilihang bayan.

Aniya na nasa higit 2 buwan na noong nagsagawa sila ng Groundbreaking ceremony sa proyekto na dinaluhan ng mga konsehal, kapitan at iba pang witness.

--Ads--

Nasa 1 ektarya ang lawak ng pamilihan na aayusin kung saan may nakalaan umano itong P239 Milyon na target matapos ng 1 taon at 4 buwan.

Magkakaroon naman ng 3 phases o 3 building ang ipapatayng proyekto kung saan ang unang building ay mailalagay sa harapan na may 2 storey at dito umano ilalagay ang mga Dry Goods Vendors habang malalagyan naman ng escalator ang ikalawang palapag nito para mas madaling mapuntahan ng mga Person with disability at Senior Citizens.

Sa pangalawang building naman ay bungalow type lamang at dito pupuwesto ang Wet Area gaya ng Meat Section, Fish Section at iba pa. Habang ang isang building naman ay para sa mga ibang produkto gaya ng gulay at prutas.

Binigyang pansin naman nito na mabibigyan umano ng sariling pwesto o lamesa ang mga ambulant vendors o tinatawag nilang latag na pasulpot-sulpot lang umano tuwing araw ng palengke o linggo dahil sila ay ang mga nagdadala ng kanilang mga local harvest sa kanilang barangay.

Sa ngayon ay sinisimulan na ang clearing sa likurang bahagi nito kung saan pansamantalang inilipat ang mga nagtitinda sa lote na ipinahiram sa gobyerno ng isang pamilya dahil unti-unti nilang inuumpisahan ang konstruksyon dito para hindi mabigla ang mga vendors.

Samantala, kabilang din sa inaayos dito bukod sa building ay mga parking area din at kalsada na dadaanan ng mga taong bibili o turista upang hindi maging problema ang trapiko sa bayan.