DAGUPAN, CITY— Nilinaw ng Provincial Tourism Office ang hindi pagkakatuloy ng pre-pageant activity ng Miss Universe Philippines 2021 sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Malu Elduayan, sumusunod lamang sila sa provincial IATF at existing Executive Order na may klasipikasyon na GCQ with heightened restriction.

Aniya, hindi ito maikokonsidera na essential activity lalo na pinili nilang pagganapan ng naturang event ay ang bayan ng calasiao na nasa ilalim ng critical zone.

--Ads--

Karamihan pa aniya sa mga ito ay galing sa Manila na nakasailalim sa MECQ kung saan ang mga pinapayagan lamang pumasok sa lalawigan ay ang mga itinuturing na APOR.

Matatandaan na hinarang at hindi pinapasok ang mga contingents ng naturang pageant kasama ang ilan pang staff ng mga ito sa border control sa lungsod ng Urdaneta noong araw ng linggo dahil sa kawalan ng travel requirement at approved S-Pass.

Wala din umanong koordinasyon ang local organizers ng Miss Universe Philippines 2021 sa provincial government ng Pangasinan bago sila magtungo at pumasok sa lalawigan para ganapin ang kanilang pre-pageant activity sa bayan ng Calasiao.

Tsaka lamang sila nagbigay ng sulat kaugnay sa aktibidad na kanilang gaganapin araw na ng lunes matapos silang ma-deny.

Paglilinaw ni Elduayan na dapat maging exemplar o huwaran sa mga LGU’s ang Provincial Government sa mahigpit na pagiimplementa ng safety and health protocols.

Sa katunayan aniya maliban sa Miss Universe Philippines 2021 pre-pageant activity, meron pang isang aktibidad na gaganapin sana sa lalawigan sa ilalim ng Department of Tourism (DOT), at ito ay mayroong proper coordination aniya ngunit mahigpit nga na iniimplementa ng lalawigan ang safety and health protocols sa lalawigan.

Dagdag pa niya, kahit nais nila aniyang i-tuloy ang naturang aktibidad ay nirequest na ng probinsya na ito ang i-postpone at hintayin na lamang na maging maayos ang health status sa lalawigan. (with reports from Bombo Marven Majam)