Tiniyak ni Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III na patuloy ang pakikipagugnayan ng provincial government sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan sa mga hakbang na dapat gawin pagsasaayos ng bumagsak na Carlos P. Romulo Bridge sa Barangay Wawa sa bayan ng Bayambang.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ng Gobernador na hiniling na niya kay DPWH Region 1 Director Ronnel Tan na sana’y mapondohan o maisama ng ahensya ang pondong magagamit para sa restoration at rehabilitation ng naturang tulay sa kanilang 2023 budget.
Dagdag pa ni Governor Guico na kanila ring pinagaaralan ang mga posibleng “overloading” na itinuturong sanhi ng pagbagsak ng Carlos P. Romulo Bridge ayon kay DPWH Pangasinan Third Engineering Office District Engineer Simplicio Gonzalez, dahil marami silang nakikitang problema kaugnay nito gaya ng hindi akma na disenyo ng bridge sa kapasidad nito, partikular na rin sa mga dumadaan na sasakyan dito.
Maliban pa rito ay pinagaaralan na rin ng provincial government ang pagpasa ng ordinansa na kasama naman ng proposed amendments sa Quarrying Ordinance ng lalawigan tungkol sa pag-rehistro sa lahat ng howlers sa probinsya nang sa gayon ay matukoy na ang load capacity ng mga truck nang sa gayon ay maabisuhan sila sa ruta na maaari nilang daanan lalo na’t maraming tulay sa lalawigan ang hindi naman naka-disenyo para sa mabibigat na sasakyan.
Higit pa riyan ay makikipagpulong din ang provincial government kasama ang DPWH Pangasinan at Provincial Engineering Office upang magkaroon ng masusing pagsisiyasat ng mga tulay sa lalawigan, gaya na lamang ng epekto ng agos ng tubig sa kinatatayuan ng mga tulay.
Kung kakayanin, aniya ay kanilang pinagaaralan na rin ang pagbili at paglalagay ng pansamantalang pwedeng ipatong na footbridge sa bumagsak na tulay upang mayroon namang maaaring gamiting tawiran o lakaran ang mga residente sa nasabing lugar nang hindi sila gaanong mahirapan.
Kaugnay nito ay nakatawag naman kaagad sa kanyang opisina si former Mayor Cesar Quaimbao at kasalukuyang Alkalde ng bayan ng Bayambang na si Niña Jose-Quiambao para iulat ang nagyaring pagbagsak ng tulay kaya’t kaagad rin itong nakatawag sa Regional Director at District Office ng DPWH na agara namang nakaresponde sa naturang lugar.
Maliban pa rito ay pinasalamatan din ng Gobernador ang mabilis ding pagresponde ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa nangyaring insidente.
Magpapatuloy naman ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng provincial government sa DPWH upang matukoy ang mga kapasidad ng mga tulay at upang maging akma ito sa mga kagamitan ng DPWH sa pagdidisenyo ng mga tulay sa lalawigan.
Sa ngayon ay naglabas na rin ang mga kinauukulan ng alternate routes mula Bayambang papuntang Camiling, Tarlac para sa mga light vehicles kasabay ng pagsasara ng bahagi ng Carlos P. Romulo Bridge.
Mga alternatibong ruta:
- Bayambang (via M.H. del Pilar) – Urbiztondo – Mangatarem – Camiling
- Bayambang – Bautista – Alcala – Moncada – Camiling