BOMBO DAGUPAN – Pinaghahandaan na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management office o PDRRMO ang ipapatupad na seguridad sa panahon ng undas 2024 dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor, Pangasinan PDRRMO, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan,dalawang Linggo bago ang Undas ay nagkaroon na sila ng pagpupulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga magtutungo sa sementeryo.

Sa susunod na Linggo ay magkakaroon din ng hiwalay na pagpupulong kasama ang mga partner agencies para sa ipapatupad na protocols at guidelines para sa Oplan Undas.

--Ads--

Sinabi ni Chiu na ipapatupad naman ang blue alert status sa mismong araw ng Undas para mapaigting na pagmonitor sa ibat ibang lugar.

Inaasahan na mas maraming tao ang magtutungo hindi lamang sa mga sementeryo kundi sa mga tourist sport partikular sa beach dahil natapat ang undas sa araw ng Biyernes at kinabukasan ay araw naman ng Sabado na walang pasok.

Dahil dito,mahigpit nilang babantayan ang mga beachgoers.

Noong nakalipas na taon,karaniwan aniyang naitatala nila ay ang pagkalunod na kinasasangkutan ng mga nakainom na naliligo sa dagat gayundin ang pagkawala ng mga bata. Kaya naman ito ang mahigpit nilang tutukan upang maiwasan ang ganitong pangyayari.

Payo naman niya sa publiko na sumunod sa mga protocols at guidelines na ipinatutupad ng mga Local Government Units at iwasan din na maligo kapag nakainom gayundin panatilihing malinis ang paligid sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura.