Nagpapatuloy ang malawakang protesta ng mga mag-aaral sa France dahil sa mga nararanasang problema sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa France, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagsimula ang mga rally dahil sa kakulangan ng mga guro at staff, siksikan sa mga classroom, hindi maayos na kondisyon ng ilang school building, hindi sapat na pagkain sa school canteen at mas mahabang oras na ginugugol ng mga mag-aaral sa klase, pero wala silang ginagawa.
Dagdag ni Valdez, lalo pang uminit ang sitwasyon matapos umano’y hindi pinapakinggan ang hinaing ng mga mag-aaral. Nakadagdag din sa paglala ng tensyon ang naging pakikitungo ng pulisya sa mga demonstrador, na nauwi sa mga sagupaan, paggamit ng tear gas at ilang pag-aresto.
Sinabi ni Valdez na hindi na bago sa France ang mga ganitong protesta, kabilang ang mga rally na nauuwi sa mararahas na insidente gaya ng paggamit ng tear gas at pagsusunog. Aniya, malakas ang protest culture sa bansa bilang paraan ng mga mamamayan upang iparating sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.
Kung ikukumpara sa Pilipinas, mas malawak aniya ang social coverage para sa mga mag-aaral sa France. Gayunman, nagsisimula na ring maramdaman ng mga estudyante ang mga kakulangan sa mga benepisyong dapat nilang natatanggap.
Samantala, sinabi ni Valdez na gumagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan upang mapahupa ang tensyon, bagama’t hindi pa matiyak kung kailan tuluyang matatapos ang mga protesta.
Aniya, hindi tulad sa Pilipinas na karaniwang tumatagal lamang ng ilang araw ang ilang kilos-protesta, handa ang mga demonstrante sa France na magpatuloy kahit may epekto ito sa kanilang kabuhayan, hangga’t hindi umano natutugunan ng pamahalaan ang kanilang mga kahilingan.










