DAGUPAN CITY- May 10 araw si Vice President Sara Duterte upang sagutin ang reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa pambabanta nito sa pangulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional lawyer, may 60 araw naman ang investigating prosecutor upang tukuyin kung may ‘probable cause’ at maaaring magfile ng motion for reconsideration ang bise presidente.
Aniya, kasunod nito ang maaring paghain ng bise presidente ng petition para i-review ito at umaabot naman ng 90 araw ang paghihintay ng korte kung ire-resolve ito.
Magpapatuloy naman ang proseso kung hindi naging matagumpay ang pagresolve nito.
Ani Atty. Cera, susunod na ang paghain ng warrant of arrest laban kay bise presidente.
Dahil sa pagbabanta ni Vice President Duterte, maaari naman aniya itong maharap sa kasong grave threat.
Samantala, sinabi ni Atty. Cera na maaari itong makaapekto sa politika ni Duterte ang kinakaharap nitong imbestigasyon lalo na’t may kinakaharap pa itong 4 na impeachment complaint.
Gayunpaman, kahit pa man nagkakaroon ng hindi magandang imahe ang bise presidente ay patuloy pa rin ang pagkakaroon nito ng mga taga suporta. Subalit, unti-unti mababawasan ang impluwensya nito.
Dagdag pa ni Cera, hindi na aniya ito ang unang pagkakataon na naharap sa isang kaso ang matataas na opisyal. Kabilang na dito sa dating Pangulong Joseph Estrada sa kasong plunder matapos ang termino nito.