Mariing kinondena ni Prof. Danilo Arao, Professor of Journalism sa UP Diliman at convenor ng Kontra Daya, ang kawalan ng respeto ni Senator Rodante Marcoleta sa media at ang aniya’y “mapagkunwaring” anti-political dynasty bill na ipinasa sa Kamara.
Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, tinawag ni Arao na “napakapakaarrogante” ang naging pahayag ni Marcoleta sa Senado kung saan lantarang tinawag ng senador na “bayaran” ang karamihan sa mga miyembro ng media. Ayon kay Arao, ang sweeping statement na ito ay walang batayan sa datos at isang malinaw na pag-abuso sa kapangyarihan.
Nagbabala si Arao na ang ganitong mentalidad, kaalinsabay ng pagpasa ng Anti-Fake News Law sa ikatlong pagbasa sa Kamara, ay maaaring maging instrumento ng weaponization laban sa mga kritikal na mamamahayag. Dahil sa serye ng mga naging aksyon ng senador—kabilang ang papel nito sa pagpapasara sa isang broadcast network anim na taon na ang nakararaan—hinamon ni Arao si Marcoleta na magbitiw na lamang sa pwesto.
“Paano ka pa tatawaging honorable kung ‘yung pagiging arogante mo dumating na sa sukdulan, na sa na walang batayang datos doon sa sinasabi mo?” ani Arao.
Hindi rin nakaligtas sa kriticismo ang bagong pasang Anti-Political Dynasty Bill sa House of Representatives. Sa kabila ng titulo nito, binansagan ito ni Arao na “pro-dynasty” at “essentially the Duterte-Marcos bill”.
Binigyang-diin ng propesor ang ilang mahahalagang butas sa panukalang anti-political dynasty bill. Ayon sa kanya, limitado lamang ang saklaw nito hanggang second degree of consanguinity, na kinabibilangan ng mga magulang, anak, at kapatid, samantalang ang panawagan ng ilang sektor ay palawakin ito hanggang fourth degree upang mas epektibong mapigilan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya.
Bukod dito, hindi rin umano ipinagbabawal ng panukala ang dynastic succession o ang pagpapalitan ng magkakamag-anak sa mga posisyon matapos ang termino ng isa, kaya maaari pa ring magpatuloy ang impluwensiya ng mga political dynasty.
Dagdag pa niya, wala ring malinaw na regulasyon ukol sa paggamit ng party-list system ng mga pamilyang politikal, na maaaring magsilbing alternatibong paraan upang mapanatili ang kanilang presensya sa pamahalaan.
Sa huli, hinimok ni Arao ang mga mamamahayag at ang publiko na huwag matakot manindigan at patuloy na mag-exert ng public pressure. Aniya, kailangang i-call out ang mga mapang-abusong opisyal upang hindi isipin ng kabataan na normal ang ganitong uri ng pag-uugali sa gobyerno.










